"E.A.T.", PINATAWAN NG "NOTICE" NG MTRCB DAHIL SA LANTARANG PAGMUMURA SA LIVE TV




Pinatawan ng "Notice to Appear and Testify" ng Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ang Kapatid noontime show na "E.A.T." dahil sa lantarang pagmumura ng isa sa hosts nito sa national live television.


Ito ay nangyari noong August 10 nito nang lantarang nagmura ang isa sa hosts ng programa na si Wally Bayola habang nagsasalita si Jose Manalo sa "Sugod Bahay" segment nila.


Bagamat humingi na ng paumanhin ang host kaninang tanghali ng Agosto 11, hindi iyon pinalagpas ng ahensya na pinamumunuan ni Lala Sotto-Antonio.


Sa inilabas na pahayag ng MTRCB ngayong araw na ito, lumabag ang E.A.T. sa Section 2 (B), Chapter 4 ng Implementing Rules and Regulations ng Presidential Decree No. 1986. Nakatakda ang hearing hinggil dito sa Lunes, Agosto 14.


Ayon pa sa pahayag, ang anumang paglabag sa PD No. 1986 at sa implementing rules at regulations nito kung saan saklaw ang mga pelikula, programa sa telebisyon at mga kaugnay na promotional materials ay maaring masuspende o makansela ang permit o lisensya na inisyu ng pamunuan na maari pang pagmultahin.


Tila "hinayaan" ng ahensya ang dalawang umano ay paglabag ng palabas na inuudyok ng ilang netizens gaya ng lantarang paghalik ng isa sa main hosts na si dating Senador Tito Sotto sa leeg ng asawa nitong si veteran actress Helen Gamboa at ang umano ay "racist" remark o joke ni Jose Manalo sa Nigerian social media sensation na si Zombie sa isang episode nito noong isang linggo.


Ang naturang ganap ay nangyari ilang linggo ang nakaraan matapos ipatawag naman ng ahensya ang bumubuo ng "It's Showtime" dahil naman sa umano ay malisyosong gawain nina Vice Ganda at Ion Perez sa harap ng mga bata sa segment na "Isip Bata".

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ano ba Ang pagkakaiba Ng Urban at Rural sa TV Ratings

It's Showtime Nanguna sa PHILTAM TV ratings

LALA SOTTO DEDMA PAG EAT ANG MAY PROBLEMA!?